Thursday, August 13, 2009

Ang Batangueno (Part 1)





“Don’t talk to me. Talk to my Lawyer”, paangas na sabi ni Abheng kay Berto.

“Kayabang ga nire. Tagalugin mo nga at nakakabanas ka! Pagbilhan mo na nga ng suka at toyo yan Ate Elsa at mukhang nalipasan na ng gutom. Kita mo’t pa-english english pa!”

“Mahiya ka sa balat mo!”, ganti ni Abheng sabay tingin sa tabihan. “Pagsabihan mo nga ang unggoy na kasama mo Khaled. Bakit kasi pinakawalan mo sa zoo”.

Matipid na ngiti ang tugon ng binatilyo sabay puna sa kasamahan, “Tama na yan Pre. Kunin mo na yung bola at naghihintay na sila sa plaza”

“Shampoo nga po Aling Elsa, Ayyyy……”

Tumigil naman si Berto na ngayon ay parang estatwa sa pagkakatayo nya. Alam ni Khaled na kahit na sumunod sa kanya ang kasamahan ay walang koneksyon ang inasta nito sa pagsaway nya. Sinundan nya ang tinutumbok ng mata ng kaibigan at nakita nyang nakapako ang tingin nito sa dibdib ni Abheng.

Paano ba nama’y yumuko ang dalagita para pulutin ang nalaglag na mga barya. At kahit nga siguro sinong santo o diablo ay mapapatda sa kagandahan ng tanawin na nakaumang sa kanila. Si Khaled man ay natigilan din dahil kung tutuusin ay mas maganda ang pagkakapwesto nya. Sabi nga ay di lamang kaluluwa ang nakahain dahil pati kuyukot ay kita nya. At sa totoong pinagpala, labis-labis ang grasya ni Abheng na umaapaw sa sando at short pants na suot nya.

Pag diwata ang kaharap ay sadya nga yatang kaytagal ng sandaling pagkalingat, kahit pa nga sabihin na si Khaled ay nakabawi din agad. Humarang syang bigla sa harapan ng nabato-balaning si Berto. Akmang yuyuko sya ng biglang nag-angat ng mukha ang dalagita. Napaurong syang bigla na nagtulak naman upang mawala sa panimbang si Bertong nasa likuran nya. Kamuntik ng matumba si berto kung di sya napatukod sa may pintuan.

Nagtama ang mga mata ni Abheng at Khaled at ang mundo’y sandaling uminog para sa kanilang dalawa lamang. Ang binatilyo ang unang nagbawi ng titig nya at kaagad namang nagbayad na ang dalagita. Dagli at walang paglingon namang inabot ng balo ang pera dahil ayaw maabala sa telenobelang pinapanood nya.

Walang kupas ang pagkamanyakis ni Berto na habol ang tingin sa umalis na dalagita. Si Khaled naman na palihim na tumitingin ay di nagpahalata. Tinapik na lamang nya ang kumag pagkahuma.

“Sige na, kunin mo na ang bola!” at tumalima si Berto.

Napatingin sa pintuan si Khaled kung saan tumuon ang kaibigan nya. Bakat pa sa lumang poster ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kamay nito. Hindi naalis ang madikit na poster ng mukha ni GMA. Hindi rin nabawasan ni katiting ang ngisi nito sa kabila ng pamamawis ng kamay ni Berto.

“Tara na!” Kasabay ng pagtalbog ng bola ay nabasag ang pagmumuni-muni nya.



No comments: